By Jan Emmy Julve
Hindi ako naniniwala sa
kasabihang, “Nasa iisang banka lang tayo.” Sa halip, naniniwala ako na
tayong lahat ay nasa isang malaking karagatan, ngunit mayroon tayong iba't
ibang mga bangka. Ang iba ay nasa mga yate, ang iba naman ay nasa mga
malalaking barko, ngunit ang iba ay nasa balsa at naka-kapit sa ibang mga
bangka, halos malulunod na. Minsan nga, walang gustong tumulong. Hinahayaan
lang silang tangayin sa mga malalakas na agos ng mga alon.
Ilang beses ko nang napanood ang
dokumentaryo na ito, pero sa tuwing napapanood ko ito, naiiyak ako. Ang
panonood ng dokumentaryong ito ay nakapagtanto sa akin kung gaano ako kaswerte
sa lahat ng mayroon ako. Maswerte ako na nakakakain ako ng tatlong beses sa
isang araw. Maswerte ako sa pamilya ko dahil binibigyan nila kami ng kapatid ko
lahat ng kinakailangan namin para mabuhay ng payapa at walang inaalala.
Maraming aral ang nakukuha ko sa
dokumentaryong ito. Isa doon ay ang paghahalaga sa mga maliliit na mga
bagay sa ating buhay dahil ang ilang mga tao ay hindi kayang magkaroon ng mga
tinatawag na maliliit na bagay na mayroon tayo. Ang mga bagay na mayroon
sila ay hindi nga kalahati sa mga bagay na mayroon tayong mga masuwerteng
tao.
Nang sabihin ng malnourished
na batang iyon na gusto niyang maging doktor ay naging malungkot ako. Sa kabila
ng kanyang sakit na nakakaapekto sa kanyang katawan, hindi ito nakaapekto sa
paraan ng kanyang pag-iisip at nangangarap siyang malaki at pinangarap niyang
maging isang doktor.
Nais ko na ang dokumentaryong ito
ay patuloy na maipaunawa sa mga taong may pribilehiyo na gamiting ang kanilang
pribilehiyo sa mga mabubuting bagay.
"Ano man ang sakit ng
lipunan, bata ang tiyak na unang makakaramdam." Ito ako pinaka gusto
kong kasabihan sa dokumentaryo. Bihira akong umiyak pero sa tuwing naririnig ko
ang linyang ito ay tumutulo ang luha ko. Kakaunti lang ang alam ng mga bata sa
mundo ngunit sila ang higit na nagdurusa. Ang mga bata ang pinaka-bulnerable sa
lipunan, kailangan nila ang ating proteksyon. Sila ang pag-asa ng ating
kinabukasan at dapat natin silang alagaan.
No comments:
Post a Comment